ANG NGAYON SA MATA NG KAHAPON
- Vince del Rama
- May 28, 2020
- 1 min read
Binubuong pilit ang isip at diwa
Nang maisatitik ang pawis at luha
At nang bawat patak na nananalaytay
Ay maiukit sa mga pahinang buhay
Pilit hinahabol ang talon at takbo
Ng mga gunitang sa tuwina'y binubuno
Nang maipinta ang bugso at sidhi
Ng mga damdaming dating ikinubli
Subalit ang aking dunong at lakas
Ay di makasapat sa alon at kumpas
Ng kaisipang sa aki'y lumulupig
Na puno ng poot at puno ng pag-ibig
Kulang ang tinta ng aking sandata
Upang matumbasan ang dugong minana
Dahil sa lawak at dahil sa lalim
Ng Pag-ibig na nagpalaya sa akin
Habang buhay na tatanawin at idadakila
Ang kapayapaan na aking ibinabandila
Sa pasasalamat ay tatayo ng matuwid
Hanggang sa yugtong ang hininga'y mapatid
At dahil hindi sapat ang pluma at wika
Ibubuhos nalang sa pagpapakumbaba
Na wala ako dito ngayon at wala kailanman
Kung hindi sa kahapon na Iyong pinasan.

Comments