August 16, 2020 at 11:55 PM
Sa bapor na pabor ang madalas na pinakikinggan
Ay buhol-buhol ang kahol ng mga madulas ang katwiran;
Kung kaya’t ang payat ng mga gutom sa pansin
Sapagkat hindi sapat ang mga baon kung bilangin.
Palubog nabulabog sa kunyaring paglalakbay
Nang mabutas ang lunas ng kumpareng nakaakbay;
Ang hilik na tahimik ay nagising at nagulantang,
Pumunit at pinilit nang may masisi sa maling pagsasagwan.
Sa halip na umisip ng sagot na naaayon sa panahon
Ay kumilos sa dalos ng takot na matanong at mabaon;
Subalit nga ba bakit ang hindi sapat ang s’yang magaling?
At kahit kay pangit ay ang tapat pa daw ang sinungaling.
Pabigat pa ang maingat? Aba! Bakit tila baliktad?
Mga sikat lang ang angat, ito na ba ang realidad?
Kung bigay ay ‘di bagay – sumunod ng walang tigil;
Ang buhay ng may latay kung malunod walang pigil.
Walang dulo ang tulo ng luhang inuukit ng may pait;
Hanggang ulo ang kulo subalit pinipilit huwag magalit;
Marahil na nga’y dahil walang tinig ang pumapantig,
Walang singil na nanggigigil ang mga titik sa pagpintig.
Kapos man o tapos, walang pagod na buhangin ay bibilangin;
Paos na ang taos at pinilit na panalangin sa hangin;
Kung may kamay na aagapay o wala mang maniniwala,
Ay isasabuhay ang buhay at titingala nang may tiwala.
#Luhod #Lunod #Lugod #TiwalaLang #TiwalaParin #Panalangin illustration credit @Lyra Adrales
Comments