top of page
Search

SA LUHA NG PANULAT

October 21, 2020 at 12:03 AM


nakayuko lang sa sulok, tahimik na nagmamasid

panulat na aking gulok, kumukumpas kahit manhid;

dugo’t pawis na sinalok sa pag-apaw walang patid

kumakatha’t lumililok, kahit dulo’y hindi batid.

sa lumang himig namulat, sa puso ko ay kumintal

tagong mundo’y sumambulat sa pintig ng pagmamahal

natakot na at nagulat ngunit hindi rin natanggal

kaya’t aking isusulat sa bawat pantig kong dasal.

aking abang paghahabi ay biyaya Mong kaloob,

mapadaloy at masabi ang bawat nasasaloob;

sa awa Mo’t pagtatangi aking diwa’y nalulugod

sa Ngalan Mong bukod-tangi ay magpupuri’t luluhod!

bawat hibla nitong lakas nawa’y Sa’yo mailaan

maglaho man o bumakas, Ikaw lamang ang dahilan;

Pangalan Mo’ng itataas ngayon, bukas, at kaylan man

ang araw man ay kumupas, liwanag Kang walang hanggan!

sa pagsapit ng paghimlay Sa’yong kamay ang pahinga

sa pagsulat ma’y mangalay ang Tuldok ko’y walang iba;

at kahit pa puro sablay – Ikaw ang sukat kong tugma

tanging Sa’yo iaalay ang daloy ng dugo’t tinta!

 
 
 

ความคิดเห็น


blacklanxer@gmail.com

+63 955 4193 769

To God Be The Glory


©2020 by Pluma de Makata. created with Wix.com

bottom of page