top of page
Search
Writer's pictureVince del Rama

BALUKTOT NA TAKOT

July 06, 2020 at 9:16 AM

magtuturang dagli ng isang palaisipan

palaisipan na kailangang pagtuunan,

pagtuunan ng pansin at ng panahon;

panahong mahirap mahanap sa ngayon.

sa ngayon na ang lahat sa sarili ang tingin

at tingin sa sarili’y wala nang dapat alamin.

alam na ang lahat – ang hambog na dahilan

dahil daw karapatan ang pinagpipilitan.

pilit pinipilipit ang lahat ng katwiran

maituwid lamang mga kasinungalingan.

huwad daw at laos ang hindi umaayon

ayon sa kanilang nagtulak at sumang-ayon.

sasang-ayon na lang ba dahil sa marami?

o marami pa bang kasama’t kasapi?

kaisa’t kabisig sa adhika’t layunin;

layuning magbago ng walang babaguhin.

baguhin ang gawi at hindi ang nakasulat

sa nasusulat na kasaysayang nanggulat.

magulat man at mawala sa ikot ng mundo,

mundo ang iikot at hindi ang ulo at puso.

isasapuso ang totoo at paninindigan

titindig ng walang anumang kinatatakutan;

hindi takot sa kung sino, kung saan, kung paano

paano’t hindi nakinig kung kani-kanino.


kanino man nagmula itong abang pag-iisip

isipin nawa ang totoong kabuluhang masisilip.

masilip na ang saysay ng panahong tatalikuran

ay nasa bigat ng nalirip sa mga tinuran.


Photo Credit: @Hadassah Abella


66 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page