August 6, 2020 @ 7:30 AM
sa malayong karimlan na hindi sukat ng hinuha,
may isang panalangin na iginuhit at nilathala.
isang pagsamo sa Langit na idinulog ng may tiwala,
habang marahang sambit ang ‘’Ikaw na ang bahala’’.
sa abang hiningang nauutal na sa pag-asa
ay isang Pangalan na walang bahid ng duda.
ang mga pangarap ay mahinang binabasa;
ang pagsuko’y ganap habang sa pahina hinahasa
ang pananampalatayang walang kubli, walang daya
kung saan ang pagsamba ay tunay na malaya;
hindi nakakapit sa wangis, sa gawi, at barya
kundi lumalapit ng dahil lamang sa Kanya.
hanggang sa huling butil ng biyayang hininga,
ito ang tanging yamang hindi na makukuha;
ito ang totoong kaisipan na hihimlayang dukha
hanggang sa matuyo ang bawat patak ng luha.
sa malayong kariktan na hindi maabot ng diwa
may isang Dumadalanging mahigit pa sa akala;
isang Alay at Hari na malugod na nagpapaniwala
sa sambit na katagang “Ako na ang bahala.”
Comments