top of page
Search
Writer's pictureVince del Rama

DAKILANG PANGUNGUSAP

April 12, 2020

Susubukan kong isulat ang mga nababasa Kahit kapos pa ang aking pang-unawa; Dahil hindi pa saklaw ng inaral at sinubok Kaya hindi rin mapupunan ang bawat na sulok. Gayunman itutuloy ang aking mga guhit Na ipinipinta sa pagpantig at pagtitik.

Sa puntong-takda na lahat ay sadyang matulin At tila limot nang magsambit ng dalangin; Nang saya, yaman, at dunong ang nasa puso At sarili lamang ang inuuna at itinuturo; Ay binuksan Mo ang mata ng lahat Na Sa'yo ay walang hihigit at sasapat.

At dagliang huminto ang lahat ng mundo Tinuruan Mong huminga at bumalik sa Iyo May ibang nabunyag ang tunay na wangis Ang hiram na mukha ay tuluyang inalis Sa tila gapatak na kumpas ng Iyong kadakilaan Ang sanlibuta'y halos manginig at gumapang.

Ang may sariling diyos at diyos ang sarili Ay kakaba-kaba at ang gawi ay di mawari. Subalit ang kinalooban Mo ng pananampalataya Ay lubos at taos ang paniniwala Na ang Kadakilaang lumikha sa mundo Ay ang Siyang may hawak sa bawat na yugto.

Lumipas man at matapos ang pangungusap ko Ang simula at tuldok ay iaalay Sa'yo. Ang padamdam at patanong ay ipagpupuri Ng pasalaysay na hindi sapat ang pang-uri Sa habag Mo at pag-ibig na gumagabay Sa pagkilos Mong walang maipantay na pang-abay.

Kung hindi dahil sa Iyong pagtatakda Tiyak mas masahol pa at mas malalala, Kaya naman sa bawat paghingang hinahabol Pagsamba at pasasalamat ang iuukol. Dahil batid na sa likod at kabila ng lahat Ay may Diyos na mahabagin at sadyang matapat.



3 views0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


bottom of page