top of page
Search
Writer's pictureVince del Rama

GISING NA

Updated: Aug 19, 2020


Nauubos na ang oras nakahiga ka parin. Ayaw mong bumangon kahit alam mong marami kang dapat gawin. Tulala't nakatingala sa kisameng hindi naman nagsasalita. Pilit humuhingi ng matinong kasagutan ang iyong walang kwentang mga katanungan.


Ayaw mo bang bumangon dahil mabigat ang iyong katawan? O talagang dahil mas mahal mo ang iyong higaan? Iniisip mo kasi na mabuti pa ang higaan mo naiintindihan ka. Lagi itong handang bigyan ka ng pahinga. Pahinga mula sa magulo mong mundo. Mundong mas magulo pa yata sa walang lamang isip mo. Ang higaan mo kasi lagi kang sinasalo kapag nauubos na ang hibla ng iyong lakas. Sa higaan mo kasi ayos lang ang pagtakas. Hindi na nga mabilang ang luhang pinahid nito mula sa mga mata mong lagi na lamang mugto.


Ewan ko ba kasi sayo, kailan ka ba magigising? kailan ka ba babangon?


Gaano man kasarap ang panaginip tandaan mo na minsan, kailangan talaga itong putulin. Kung ang oras mo ay iikot lamang sa iyong kwarto - aba'y walang kwenta ang buhay mo sa mundo. Subukan mo kayang maglakad-lakad man lang. Baka sakali pang ika'y matauhan. Maawa ka naman sa iyong higaan na sira-sira na nga dahil sa laging bigat ng iyong katawan.


May mas malaking pangarap sa labas ng iyong panaginip. sige na't bumangon at sa araw ay sumilip. Ano ba ang malay mo eh bilog ang mundo - ito ay iikot kahit hindi ka tumakbo. Subalit kaibigan ika'y napag-iiwanan sa patuloy mong pagmumukmok sa iyong kanlungan.


Tama na ang paggulong sa pagod mong higaan. Iligpit mo na ya't umunat na muli. Ang buhay ng tao'y hindi lang sa higaan nakatali. Isama mo nang iligpit ang kumot ng takot pati narin ang unan ng iyong alinlangan. Sa labas ng kwarto mo ay may bagong mundo. Oo nga't magulo - subalit masaya. Kung matututunan mo lang baybayin ang salitang TIWALA. Huwag mo nang isipin ang lumipas nang oras. At wag naring matakot sa malabo pang bukas.


Ang mahalaga ay binigyan ka ng Diyos ng isang NGAYON. kaya't mahirap man...piliting bumangon! Marami ang hindi nagkakamit ng REGALONG meron ka. Kung hindi mo bubuksan sayang naman hindi ba? Oo nga't wala kang kakayahang baguhin ang maraming bagay, subalit kaya mo ang bumango't sumabay. Sumabay sa agos ng malikot na buhay. Isang agos na mahirap malirip na tunay.


Kung saan ka man tutungo at saan ka babagsak, Diyos na ang bahala sa iyong pagtahak. Sa ngayon ang mahalaga ay ang bagong pag-asa na hatid nitong bagong sumisibol na umaga. Halina't sumabay sa inog at indak ng ating daigdig na mapaglaro ngang tiyak. Huwag nang mag-alala. Huwag nang mangamba. Gising na. Bangon na! MAGANDANG UMAGA!


38 views0 comments

Recent Posts

See All

Commentaires


bottom of page