top of page
Search
Writer's pictureVince del Rama

HUGOT PAG-IBIG

July 29, 2020 at 11:05 PM

Mahal kita! Higit pa sa iyong alam at akala

Pag-ibig sa’yo ay nagmula pa noong bata;

Sa unang saglit pa lang nang mamulat, makabasa

Wala nang ibang ninais kundi ikaw ay makasama.

Inaral, sinubok ang bawat na sasabihin

At pinilit malirip gaano man kalalim;

Nang gayon ay hindi magtunog mahangin

Kapag inihayag ang dalangin at damdamin.

Ang marinig ang dunong at nararamdaman

Sa bawat katagang iyong binibitawan

Dulot ay pag-asa kung pinanghihinaan

At sigla, at buhay na walang hangganan.

Subalit sa pag-ikot ng mundo at panahon

Marami ring ibang humanga at humamon;

Maraming sumusubok noon hanggang ngayon

Subalit marami ring tinangay lang ng alon.

Nakikita lang nila ang panlabas mong ganda,

Marami ay puno lamang ng ganid na pagnanasa.

Pansarili lamang ang layunin at hinuha,

Nagpapapansin lang dahil may nais makuha.

Hindi naman malalim ang balong pinagmumulan,

Dahil tunay na mahal ay mga sarili lamang.

Hindi iniisip ang dangal mong niyuyurakan

Basta ang uhaw at gutom ay maitawid lang.

Sa simula pa lamang mali na ang layunin

Kaya’t ‘di nag-abalang ikaw ay kilalanin.

Ang sayo ay mabuti ayaw na alamin

Kaya’t kung iwasto ‘ni makinig, alanganin.

Nasasambit ko ito hindi dahil nakahihigit

At hindi rin lang bunga ng pait at galit;

Bagkus nagmumula sa wagas na pag-ibig

Na ipagsisigawan mula lupa hanggang langit.

Mapansin man o hindi ay hindi magbabago

Mamumuhay at hihimlay ng umiibig sayo.

Hanggang huling patak ng tinta at dugo

Ang kaligayahan mo ang isasapuso.

Ngunit sa huli at dulo nitong balagtasan

Wala namang aangkin at isang magtatangan

Dahil malawak ang mundo at pag-ibig mo hirang

O mahal ko at sinisintang irog na panitikan.


Photo by Andriyko Podilnyk on Unsplash


16 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page