IILAN NA LANG KAMI
- Vince del Rama
- May 27, 2020
- 1 min read
Updated: May 28, 2020
May 5 2020 1:43 AM iilan na lang kaming marunong magbasa
at mga tunay ngang nagpapahalaga
sa tunay na dahilan at sa tunay na diwa
ng bawat damdamin at katagang isinatula.

iilan na lang kaming nagbabasa parin
sa bawat hangaring kalakip ay dalangin
na mapakinggan at sana'y mapansin
ang ngiti at luhang binulong sa hangin.
iilan na lang kaming nagbabasang pilit
sa mga salitang malalim, pusikit
na puno ng ano, paano at bakit
na mahirap ipinta, ililok, iukit.
iilan nga lang ba ang nagbabasa ngayon
sa mga pahinang niluma na ng panahon?
wala akong bilang na maitutugon
ang alam ko yung "kami", hindi marami 'yon.
kung kasama ka namin aabot ka dito
dahil ang hindi ay umayaw na at sumuko.
sa kanila'y banta ang makinig at matuto
masaya, mabilis ang sa kanila'y uso.
may sumulyap lang, tumingin sa pamagat
nagbasa ng konti at alam nya na lahat
kaya't huminto na at sa iba'y lumipat
ganun kagaling! mas marunong agad.
iilan na lang tayo? wala akong bilang
pero ito ang totoo kung pag-iisipan
ang tula at ritmo kung babasahin lang
ay may katwiran din at may kahulugan.
mababaw man o malalim ang tinig
ay mauunawaan ng tunay na umiibig;
kaya't sa wakas ng aking paghimig
alam ko kung Sino ang makakarinig.
Comments