top of page
Search
Writer's pictureVince del Rama

KUMPAS NG DISPRAS

June 14, 2020 at 8:13 PM

minsan pa’y lalabas ako

sa pinagpupugay na entablado.

ang marapat na bigkasin at ituro

ay inaral na’t kinabisado.

ang tunay na laman ng puso

ay dagli munang itatago.

kinakailangang maipakita

ang ngiting iba ang nagpinta;

isang mukhang habol ng madla-

mukhang nagbubunga ng pera.

sa kumpas ay sasabay na muna

kahit tila hindi ko na kaya.

sa musikang uso ay makikisayaw

kahit madali nang sumuko’t umayaw.

itatago ang tunay na sigaw

ng pusong lango sa pagkakauhaw.

aasa na lang na sa huling batingaw

ay sisikat din ang lumubog na araw.

mag-aabang sa kabanata bukas

nawa’y maibalik ang nanlamig na ningas.

baka ang paghakbang ay muling gumilas

kung mahanap ang dahilang kumupas.

tunay na ngiti ay muling kong mamamalas

kung maglalaho ang sumpa nitong dispras.

kung hindi man maibalik ang pagkaluntian

sa huling yuko ay pakakaingatan;

ang ala-ala ng lumipas na tinginan

ay dadalhin sa dulong hantungan.

kung mapakinggan man itong kahilingan

taos na salamat ang huling ituturan.




13 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page