LIKONG LIRIKO
- Vince del Rama
- May 27, 2020
- 1 min read
Updated: Jul 29, 2020
May 7, 2020 10:03 AM makailang ulit nang narinig at nabasa
na ang kwentong pilit ay matabang, walang lasa
animo'y kantang wala sa tono, walang kwenta;
pananalitang piniga para lang sa pera.
kung ang tula't tugma ay buhay ng pantas
dadaloy ang mga salita ng kusa at wagas.
ngunit kung ang iyong bakit ay 'di na mamalas
ang paano at ano ay wala naring bukas.
magdamag mang imulat ang mga mata at isip
kung tanging sarili ang naririnig mong ihip
ay walang katotohanan ang mga panaginip
sa paglubog ng araw katwira'y maiidlip.
kung kasikatan at pagtanggap ang s'yang hanap mo
hindi bagay sa'yo ang lumikha ng liriko.
walang saysay ang laang pluma, pawis, at dugo
kung pangamba at takot ang nasa iyong puso.
wala sa tamis o tayog ng iyong pangalan
ang kahihinatnan ng iyong kinabukasan.
kung hindi rin lang pag-ibig ang iyong dahilan
ay mas mainam pa na ihinto at wakasan.
at ang anumang pag-ibig na tunay at bukal
sa kabila ng lahat ay tiyak na magtatagal;
sapagkat ang sa pintig ng taong nagmamahal
nagniningas ang apoy ng matatag na bakal.
tanging ang Langit ang may hawak at ang may akda
kaya't marapat, S'ya rin ang wakas at simula.
kung papugay sa Kanya sa katha mo ay wala
ay 'di tuwid ang awit na iyong malilikha.
image@Arlan Acodesin

Comments