July 14, 2020 at 12:45 AM
sinimulan namin ang lahat sa palitan ng bugtong
palaliman ng isip sabay patalasan ng tanong.
salaysayan na malalim at makatwiran ang sigaw
hanggang maubos ang dahilan at ganda ay lumitaw.
ang talastasan ng talino’y napunta sa kwentuhan
hayagan at aminan ng madamdaming kasaysayan;
sa mga kwentong makulay ay bumibilog ang mata
animo ay panggatong sa mga pusong nagbabaga.
matapos busugin ng halong mga luha at ngiti
sabay gumuhit sa lupa, sa patintero nauwi;
tayaan, kilitian, na sinamahan ng habulan
basta ang mga guhit ay hindi dapat malampasan.
subalit hinapo at nangalay sa aming takbuhan
kaya nagpasya na lang sumubok sa bahay-bahayan.
inaral ang bumuo ng kubo at sariling buhay,
inakalang madali ang lahat – hanggang nagkamalay.
ang pagkukunwari ay sa tagu-taguan nagtuloy.
sa maliwanag na buwan ay binulong ang panaghoy.
wala sa harap, wala sa likod ng biglang hanapin;
isa, dalawa, tatlo mas mabilis pa s’ya sa hangin.
at dagliang napunta sa maiba-taya ang tema
dahil may bagong kasali na pumasok sa eksena;
napagod ang ihip ng panahon nang tila kay bilis,
sila man ang nag-iba, ako parin ang pinaalis. dapat nabatid na, noong nagsisimula pa lamang.
hindi na sana nadapa at hindi na nasugatan.
makipaglaro ng minsan ay hindi naman masama,
basta’t sa bilin ng magulang ay marunong tumalima.
magulo man at maingay ang ganitong paglalaro
nasaktan man at nagsisisi ay hindi parin bigo.
uuwi man ng mag-isa’y mahahanap din ang dugtong;
ang pait ng laro ng buhay, sa langit ibubulong. Photo by Erik Mclean on Unsplash
Commentaires