top of page
Search
Writer's pictureVince del Rama

PALIBHASA DALUBHASA

June 10, 2020 at 3:35 PM namulat sa tambol ng pusong dumadagundong sumambulat sa ragasa ng diwang ikinulong nagulat, bumalikwas, bumangon ng paurong sumulat nang bigla ang tintang nagmarunong.

hindi dalubhasa at halatang sumusubok lang. ngunit kundi rin mahahasa aba paano nalang? mali ba ang magnasa at mangarap man lang? o mas mali ang umasa ng walang nasisimulan?

hayaang umagos ng umagos ang iyong panitikan wala kang matatapos sa pangamba't alinlangan; basta ba taos at totoo ang mga pagtuturan kahit pa kapos ang ritmo, sukat at tugmaan.

lahat nagsisimula ng mangmang at hindi bihasa; payat man at walang laman ay huwag mabalisa. kaya't magmistulan mang maputik at basa, umakyat, tumingala, mabusog sa tuligsa.

kung may makarinig sa awit, salamat ang sambitin. o sa mga kibit-balikat man ay pasasalamat parin. ang pinilit na liriko ay kadalasan puno ng hangin kaya't pumikit lang ng mataimtim at manalangin.

aayon din sa dulo ang takdang kumpas ng bukas kaya pilit lang isaulo ang akdang hindi kukupas. lagi lang isapuso ang hakbang na may gilas sisikat din ang sulo sa wangis ng abang bumibigkas.



19 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page