top of page
Search
Writer's pictureVince del Rama

PANTIG AT PINTIG

sa puntong wala kahit anuman sa Kanyang salita'y may nasimulan. nahati ang liwanag at dilim nagawa ang araw, buwan at bituin. haligi ng mundo ay naitukod sampu ng mga karagata't bundok nilikha ang mga halama't nilalang na lumilipad, naglalakad, gumagapang at mula sa dakila Niyang pag'ibig sa abo ang tao ay biglang tumindig at sa hiningang nagmula sa Kanya ang kwento ng buhay ay nagsimula.

ngunit ang kaluntian ay hindi naglaon sa tuso't matatas dagliay nagpalamon kadilima'y lumason sa diwa at puso na nanalaytay sa pawis at dugo; at yamang sa ugat ay nabulok,nahalay ang lahat ng binhi'y nasumpang mamatay. at maging ang gawang mabuti sa tingin ay basura't basahan ng Langit ituring. sa sariling pagsusumikap at lakas ay hindi kailanman nahanap ang lunas. subalit sa pusong sadyang mapanlinlang pagmamataas ang katagang tinuturan.

ang Kanyang batas na sinambit at inukit ay hindi ninuman masunod ng pilit gayunman salamat lahat ay alam Niya ang pagkakamali'y di gumulat sa Kanya. kaya sa pagmamahal at dakilang awa isinilang sa mundo ang takdang Salita. Siyang inatasang mabuhay ng tapat sumunod, magdusa at gawin ang lahat ng naaayon sa plano Niyang akda at ng maialpas ang piniling madla. nang kadakilaan ng Ama'y maipamalas ay ililigtas ang takda Nyang iligtas.

sa kasalanang di sukat mabilang at sa sumpa at poot na nakaumang walang kahit ano o sinong makasagot kaya Siya narin ang kusang tumubos. nasuklam, nagdusa ang tanging matuwid nang ang mga gapos ng tupa'y mapatid. at ang kalayaa'y hatid Niya't kaloob nang sa Pangalan Niya'y tuluyang sumunod. ang pusong sinlamig ng patay na bato ay nabuhay, gumalaw at tunay ngang nabago. kaya't ang bawat patak, pulso at pintig marapat ialay ang pagdakila't pag-ibig.

at habang hinihintay Kanyang pagbabalik ay pilit hahakbang ng may pananabik. ang biyaya Niyang lakas, isip at kisig magsisilbing sandigan sa bawat pagtindig. ang lahat ng sa mundo ay may pagtatapos mawawala parin tapat man at taos. tanging ang sa Diyos ang mananatili at yaong kabilang sa Kanyang pagpili. kaya't habang may pagsikat pa itong araw ang habag Niya't ibig dapat ay matanaw. dasal ko'y pang-unawa mo ay mabuksan makita't mabatid ang katotohanan.

ang Salitang pinagmulan ng buhay at lahat ay ang tanging Salitang bubuhay at sasapat.



13 views0 comments

Recent Posts

See All

Yorumlar


bottom of page