July 26, 2020 at 8:16 PM
Sabihin mo sa akin kung anong klaseng pananalig
Kung sa salawahang sarili ka lamang sumasandig;
Kung sisingilin man tayong tunay sa pagkakautang
Alam mo bang ang buong sanlibutan man ay kulang?
Kung hindi dahil sa Kanyang grasya at kapangyarihan
Malamang mas masahol pa ang dinaranas na kalupitan.
Kung ang mundo ay maiging susuriin at iyong titingnan,
Alam mo bang likas nga ang pagkamakasalanan?
Kung mahahanap ang tunay na katotohanang nasusulat
Makikitang kulang ang habambuhay na pasasalamat;
Kung bibilanging sapat ang bawat isang tinatamasa
Alam mo bang lahat ay kaloob Niya at biyaya?
Ibinaba Niya ang sarili sa gitna ng mga mapagmataas
Ito ay hindi mababatid kung magpapakapantas.
Subalit kung yuyuko at magdadakila lang ng tangi,
Batid bang ‘di dapat umaasa sa sariling lakas at gawi?
Batid rin bang ang langit ay hindi para sa mabuti at taos?
Kundi sa mga makasalanang pinatawad at tinubos.
Ngunit tao ay mahilig magtayo ng palasyo sa buhangin,
Kaya mamulat ang inyong mata’y akin na lang idadalangin.
Comments