July 11, 2020 at 1:25 PM
itong talakayan ay ating buksan ng marahan
patungkol sa alagang sa bibig nananahan.
alagang iniingatan at pinagpupugay ng lahat.
na kung hindi mapaamo ay matalim mangagat.
maraming pasa at sugat ang naidudulot ng dila
lalo na kung walang laan na kulungan at hila.
ang dumi at baho kung magkalat ay madali
kapag pinakain at inalagaan ng mali.
may dilang matamis at puno ng papuri
maalam manalaysay at marunong mangiliti;
subalit sa likod mo ay nanunuklaw ng palihim
kaya’t pakaingatan, pag-isipan ng malalim.
may dila ring ang idinudura ay puro lang pait
hahanap ng awa, mamimigay ng hinanakit.
tila walang taos at tama na kinasanayan
kaya naman sa akusa at lait lang mayaman.
may dila naman na magulo at lubhang maingay
palagiang tama at hindi marunong magnilay
subalit kung susuriin at mariing titingnan
ay kapos sa baybay at kulang sa kahulugan
bihira ang dila na ang panlasa ay tunay na sapat
at kung magtuturan ay tiyak na maalam at matapat.
hindi na kailangang sumigaw para lamang marinig,
dahil malalim ang ugat, kaya’t maayos ang tindig.
sa sulok magmamasid at lahat ay pakikinggan
hindi mo maririnig kung hindi rin kailangan;
hindi mapagmalaki, kung bumigkas ay taimtim
namumuhay sa dasal, hihimlay sa dasal din.
kulang ang pahina at tinta sa paglalarawan
kung lalahatin ang hayop dito sa kagubatan.
kaya’t hayaang sa dagliang kaisipan ay magwakas:
kung hindi rin mapagpala ay huwag nang bumigkas.
Photo by Shubhankar Sharma on Unsplash
Comments