top of page
Search
Writer's pictureVince del Rama

TANDANG PADAMDAM

May 7, 2020 at 12:23 PM sa paglipas ng panahon at araw

unti-unting naglalaho ang lakas;

at kasabay sa paglabo ng tanaw

ay lumilinaw naman ang wakas.


halimuyak na minsang nagpabango

dahan-dahang nabubura sa hinagap

at ang tamis na minsang pumuno

ay hindi narin hinahanap-hanap.


ang dating matikas at malamyos

gumaspang na sa kulubot at kalyo;

ang mga dating porma at ayos

namilak na at dagling natuyo.


ang pinanindigang pagmamahal

ay siya nang kailangan ng alalay.

hindi narin naman magtatagal

kaya't sana ay huwag mangalay.


di hangad ang buong oras mo

pakinggan lang kahit sandali.

dahil sa dulo naman ng oras ko

ay hindi na maaabala muli.


hindi mahalaga ang bilang at tatak

makita ka lang naman ang habol;

at sa mga pawis mong pumapatak

pasasalamat ko ang iuukol.


ang taos puso mong ngiti

ang isa sa mga pumapanatag.

sinasagad lang mga nalalabi

bago ang Langit ay tumawag.


nawa ang itinanim na mga yakap

noong musmos ka pa't kalong,

ay maani kahit isang iglap

ng walang muktol at tanong.


sige hindi na patatagalin pa

at batid kong ika'y may gagawin;

ang sandaling pang-aabala

sana ay ipagpaumanhin.


sa paghayo ay may ihahabilin

nawa sa gunita mo ay maipanatili;

suklian man o 'di pansinin,

tandaang ika'y mahal…mahal parin lagi!



15 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page